Saturday, August 8, 2009

Kapayapaan Sa Mundo

>
> Kapayapaan sa buong mundo
> Ang hinihiling namin sa inyo
>
> Iba-iba man ang kulay natin
> Kapayapaang hiling ay dinggin
>
> Ito ang nais ng mga tao
> Hiling din namin ito sa inyo
>
> Tigilan na ang mga digmaan
> Tigilan pati na pamamaslang
>
> Tigilan na ang mga salpukan
> At problema'y ating pag-usapan
>
> Harapin natin ang mga gulo
> Lutasin natin ang puno't dulo
>
> Ngunit dapat mahinahon tayo
> Upang kapayapaa'y matamo
>
> II
>
> Maraming gutom dahil maraming ganid
> Di nagbibigayan ang magkakapatid
>
> Ang maraming problema't mga hilahil
> Ay nais lutasin sa dulo ng baril
>
> Ang iba'y nag-aari ng laksa-laksa
> Ngunit barat sa sahod ng manggagawa
>
> Ang iba nama'y maraming lupang angkin
> Ekta-ektarya kasama pati bangin
>
> Gayong maliit lamang ang kailangan
> Upang pag namatay ay mapaglibingan
>
> Dahil sa angking pribadong pag-aari
> Marami ang nawalan sa tao't lahi
>
> III.
>
> Lumaganap na itong kahirapan
> At kagutuman sa maraming bayan
>
> Nagpapatayan kahit sila-sila
> Upang maibsan lang yaong problema
>
> Habang ang ilan ay nagpapakabundat
> Kahit maraming tao'y nagsasalat
>
> Nagpapayabangan naman ang iba
> Ng armas-nukleyar, mga panggera
>
> Pera'y kung saan-saan ginagastos
> Imbes sa pagkain, gamot, pantustos
>
> Ang ginhawa ba'y para lang sa ilan
> Di ba't ito'y dapat pangkalahatan
>
> Matatamo lang ang kapayapaan
> Kung ating puso,isip at gawa ay may kasunduan
>
> IV
>
> Kayganda ng daigdig na payapa
> Walang karahasan sa bawat bansa
>
> Walang gutom ang tao, kahit bata,
> Pagkat pag-ibig nasa puso't diwa
>
> Kaya simulan nating iadhika
> Ang pagsusulong ng mundong payapa
>
> Upang maraming problema'y maibsan
> At magkaroon ng kapayapaan
>
> Ipalaganap natin ang pag-ibig
> Sa bawat puso'y ito ang idilig
>
> At sa Di-karahasan tayo ay sumandig
> Upang maging payapa ang daigdig

Tagalog poem by: Gregorio Bituin

No comments: